Hinimok ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez ang mga kasamahang kongresista na maging bukas sa pakikipag-ugnayan sa mga economic managers para sa ikadadali ng pagpapasa ng pambansang pondo sa 2020.
Pinayuhan ni Romualdez ang mga kasamahang mambabatas na magkaroon ng “open-line” at “cohesive working relationship” o mas pinaigting na ugnayan sa mga economic managers nang sa gayon ay hindi magkaroon ng aberya at maabot ang target deadline sa pagapruba ng budget.
Sinabi ni Romualdez na nakipagpulong siya kay Finance Sec. Carlos Dominguez III para hanapan ng paraan upang maging bukas ang koordinasyon ng Kamara at mga economic managers.
Tiniyak naman nito na ang mga kongresista sa 18th Congress ay nangako na makikipagtulungan at magdo-double time sa pagpapasa ng budget na target maaprubahan sa Kamara sa Oktubre at agad na matrabaho na ng Senado.
Sa ganitong timetable ay may sapat na panahon pa sila para pagdebatehan at aprubahan ang pambansang pondo sa bicameral conference committee sa Nobyembre at mapapirmahan ito sa Pangulo bago ang Christmas break.