Pinadudulog ni Appropriations Committee Chairman at ACT-CIS Partylist Rep. Eric Yap sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga kongresistang umaalma na binawasan ang kanilang pondo sa infrastructure projects.
Giit ni Yap, kung talagang may pagbabawas na nangyari sa pondong pang-imprastraktura ng ilang mambabatas ay dapat DPWH ang tanungin dito at hindi ang Kamara.
Paliwanag ni Yap, kahit noon pa sa ilalim ng liderato ni dating Speaker Alan Peter Cayetano ay malinaw na agency lamang ang may karapatan at may kapangyarihang mag-amyenda sa budget at hindi ang mga kongresista.
Wala rin aniyang katotohanan na nadagdagan ang pondo ng mga kaalyado ni Speaker Lord Allan Velasco at sila ang may gawa ng dagdag bawas sa budget sa mga distrito na kaalyado naman ni Cayetano dahil anumang pagbabago sa 2021 national budget ay agency initiated lahat.
Samantala, sakali mang mapatunayan na nagdagdag-bawas ang Kamara sa pambansang pondo ay nagbanta si Yap na magbibitiw bilang Chairman ng Appropriations.
Nakausap din umano niya si DPWH Sec. Mark Villar at pinasinungalingan na mayroon binawasang distrito.
Ang naging batayan lamang ng DPWH sa pagdaragdag ng pondo sa ilang probinsya ay kung mayroong Build, Build, Build o national project doon.