Ilan pang kongresista ang nagpahayag ng pagkadismaya kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri sa naging pahiwatig nito sa pagkakaapruba ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 na tila may halong personal na interes ang mga kongresista sa mga inilatag na programa sa panukala.
Napuna ng Chairman ng House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) at Kabayan Party-list Rep. Ron Salo ang paiba-ibang pahayag ni Zubiri laban sa mga kongresista.
Hiniling ni Salo na itigil na sana ng senador ang pagsisinungaling nito dahil wala namang ibang ibig sabihin ang naging pahaging nito laban sa house contingent na sila sa Senado ay walang “personal gain” sa pag-apruba sa bicameral conference committee report ng Bayanihan 2.
Pinatutsadahan pa ni Salo si Zubiri na maaaring nasa time warp pa rin ang senador dahil iniisip pa rin nito ang personal at partisan agenda ng House leadership noong mga panahon na siya ay kongresista pa ng Bukidnon.
Mababatid din na na pinuna ni Senator Pia Cayetano ang mga kapwa nito senador dahil sa pahaging ng mga ito sa mga kongresista.
Nauna nang idinipensa nina Deputy Speaker Dan Fernandez at House Committee on Public Accounts Chairman Mike Defensor ang House contingent at iginiit na 40 major provisions ng Bayanihan 2 ang inilatag ng Kamara at ito ay basta in-adopt lamang ng mga senador.