Milyun-milyong customer ng Maynilad at Manila Water ang posibleng makaranas na naman ng water service interruption dahil sa patuloy na pagsadsad ng lebel ng tubig sa Angat Dam.
Ayon kay Manila Water Communications head Dittie Galang – 4 hanggang 17 oras na mawawalan ng tubig ang 80% ng kanilang mga customer o katumbas ng isang milyong kabahayan.
Ang kaibahan lang, target nilang ipatupad ang water interruptions sa gabi.
Sabi naman ni Ronald Padua, water supply operations head ng Maynilad – 70% ng kanilang mga customers o katumbas ng halos pitong milyong katao ang makakaranas ng mahinang daloy o wala talagang tubig sa magkakaibang oras sa araw at gabi.
Una rito, nagbawas na ng alokasyon ng tubig sa Metro Manila at karatig na lalawigang sineserbisyuhan ng Maynilad at Manila Water ang NWRB.