Mga Korte sa Makati, isinailalim sa lockdown

Isinailalim sa lockdown ang lahat ng mga korte sa lungsod ng Makati.

Ito ay alinsunod sa Joint Memorandum ng Executive Judges ng Makati Regional Trial Court (RTC) at Metropolitan Trial Court.

Kasunod ito ng pagpositibo sa rapid antibody test ng isang empleyado ng korte habang may isa ring kawani na Person Under Investigation (PUIs).


Nakatakda namang sumailalim sa swab test ng dalawa sa mga susunod na araw.

Sa kabila nito, nasa full operations pa rin ang mga trial court sa Makati City at maaari silang ma-contact sa kanilang emails at hotlines.

Maaari ring magsagawa ng video conferencing ang mga korte at tumanggap ng mga pleading sa pamamagitan ng electronic filing.

Kaugnay nito, ipinagutos din sa lahat ng mga hukom at court personnel ng Makati RTC at METC na sumailalim sa 14 na araw na self-quarantine simula June 25, 2020 hanggang July 8, 2020.

Pinayuhan din ang mga judge at court personnel na magsagawa ng contact tracing sa lahat ng nakasalamuha at i-report sa barangay health officers at pamunuan ng korte kung sila ay magkaroon ng sintomas ng COVID-19.

Facebook Comments