Dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19, inanunsiyo ngayon ng Korte Suprema na pansamantalang sarado ang mga korte sa Metro Manila at sa iba pang lugar na nasa ilalim ng strict lockdown.
Sa inilabas na Administrative Circular No. 42-2020 ni Chief Justice Diosdado Peralta, magsisimula ang nasabing pagsasara sa mga korte ngayong araw ng Lunes, August 3 hanggang August 14, 2020.
Sa ilalim din ng Administrative Circular, ang mga korte ay maaaring makontak sa pamamagitan ng kanilang hotline numbers, e-mail at Facebook kung saan makikita ang mga ito sa website ng Korte Suprema na sc.judiciary.gov.ph.
Ang raffle ng kaso sa kada korte ay maaaring isagawa via electronically o video conferencing.
Ang mga sesyon sa korte at division ay isasagawa rin sa video conferencing habang ang ilang opisina at ibang serbisyo ay magpapatuloy sa ilalim ng skeletal work force.
Ang Court of Appeals (CA), Sandiganbayan at Court of Tax Appeals (CTA) ay patuloy na tatanggap ng mga petitions at pleadings electronically, kung saan ang pagresolba at desisyon sa mga pending cases kasama ang mga hearings ay idadaan via video conferencing.
Suspendido rin ng hanggang August 14, 2020 ang mga night courts at Saturday courts.