Magbubukas na physically simula sa Lunes, May 17, ang mga korte sa National Capital Region (NCR), Laguna, Bulacan, Rizal at Cavite.
Kasabay ito ng pagsasailalim sa NCR Plus sa General Community Quarantine (GCQ) epektibo bukas, May 15 hanggang sa May 31, 2021.
Simula sa Lunes, ang judicial offices sa mga nabanggit na lugar ay magkakaroon ng skeleton work force na 30% hanggang 50%.
Ang mga hukom din sa NCR Plus ay maaari nang magsagawa ng fully-remote videoconferencing hearings at kailangan nilang mag-abiso sa Office of the Court Administrator.
Samantala, ang mga korte at judicial offices sa mga lugar na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) at Modified ECQ ay mananatiling sarado physically.
Pero sila ay inoobliga na magsagawa ng fully-remote videoconferencing para hindi maantala ang pagdedesisyon sa mga kaso sa kanilang mga sala.
Mahigpit naman na pinapaalalahanan ang mga mahistrado, hukom at court personnel na sundin ang pinaiiral safety protocols.