Hinamon ng Department of Finance ang mga kritiko ng Administrasyong Duterte na pagaralang mabuti ang listahan ng mga naging utang ng Pilipinas sa ibang bansa.
Ito ang sinabi ng DOF sa harap narin ng pagbatiko sa utang ng Pilipinas sa China kung saan ay sinasabi ng mga kritiko na ito ay dept trap tulad ng mga nangyari sa iba pang bansa.
Sa Briefing sa Malacanang ay sinabi ni Finance Undersecretary Bayani Agabin, kailangang tingnan ng mga kritiko ang credit history ng Pilipinas at ang fiscal situation ng bansa upang makita ng mga ito na mayroong kakayahan ang Pilipinas na magbayad ng utang nito sa ibang bansa tulad ng China.
Sinabi ni Agabin na maaari namang makita ng mga detalye nito sa website ng DOF at bukas naman ito sa publiko.
Bago aniya bumatikos ay pinayuhan din ni Agabin ang mga kritiko na kumunsulta muna sa mga eksperto bago sabihin na nalulubog na sa utang o nahulog na sa dept trap ng China ang Pilipinas.
Binigyang diin din ni Finance Assistant Secretary Tony Lambino na responsible ang Pilipinas sa pagbabayad ng utang at laging bahagi ng General appropriations act ang pondo para pambayad ng utang ng bansa.