Pinatawad na ni dating Senador Bong Revilla Jr., ang lahat ng kanyang mga kritiko na naging dahilan ng kanyang pagkakakulong dahil sa kasong PDAF scam pero pinawalang sala din ng Sandiganbayan.
Sa kauna-unahang pagkakataon humarap sa media si Revilla at isinalaysay ang masaklap na sinapit niya sa loob ng apat na taong pagkakakulong sa detention cell ng Kampo Krame kung saan doon umano niya nakilala kung sino ang tunay niyang kaibigan.
Paliwanag ni Revilla, isinangguni niya sa kanyang pamilya kung ano ang mas mainam na gagawin nito sa lahat ng nasa likod ng kanyang pagkakakulong at sinabi sa kanya na patawarin nalang upang maghari ang diwa ng pagkakaisa at isantabi nalamang kung anuman ang kanilang mga hidwaan sa isa’t isa.
Aminado ang dating senador na mahirap patawarin ang kanyang mga kritiko pero sa tulong at awa ng panginoong HesuKristo na kanyang tinanggap sa loob ng bilangguan ay nagawa umano nitong patawarin ang lahat ng mga kasalanan ng kanyang mga kritiko sa pulitika.
Naniniwala si Revilla na maghahari pa rin ang hustisya sa bansa kaya nagawa nitong patawarin ang lahat ng kanyang mga kritiko upang magkaisa na para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino.