Manila, Philippines – Tiniyak ng Palasyo ng Malacañang na wala silang pipiliin sa mga social media practitioners kritiko man o sumusuporta sa administrasyong Duterte.
Ito ang sinabi ng Malacañang sa harap narin ng paglalabas ng Department Order number 15 na nagbubukas ng pinto sa mga social media practitioners tulad ng mga bloggers na makapag-cover sa mga aktibidad ni Pangulong Rodrido Duterte.
Ayon kay Presidential Communications Operations Assistant Secretary Kris Ablan, kahit pa mga kritiko ng Administrasyon ay papayagan nilang mag-cover sa anomang presidential activity basta pumasa ang mga ito sa mga hinihinging requirements.
Sinabi ni Ablan na ito ang dahilan kung bakit mayroon silang binuong social media policies upang maging patas sa lahat ng gustong magcover sa Pangulo.
Umaasa naman si Ablan na sakaling makapasok na ang mga social media practitioners sa presidential events ay magiging maayos naman ang pagkilos ng mga ito.