Mga kritisismo ni VP Robredo, walang kinalaman sa pulitika – VP Spokesperson

Iginiit ng kampo ni Vice President Leni Robredo na ang mga pagpuna niya sa mga pagkukulang ng administrasyon hinggil sa pagtugon sa COVID-19 ay walang kinalaman sa pagiging kaalyado niya sa oposisyon.

Ito ang pahayag ng VP Camp sa sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na wala ng mababago at mananatiling kontra sa administrasyon si Robredo.

Ayon kay Atty. Barry Gutierrez, ang tagapagsalita ni Robredo, sa panahon ng krisis ay hindi dapat iniisip ang pagiging oposisyon o taga-administrasyon.


Sa huli, lahat aniya ay Pilipino na gustong makaahon sa pandemya.

“Hindi naman dapat i-dismiss lang na pamumulitika ito,” ani Gutierrez.

Iginiit ni Gutierrez na kailangang makinig din ang gobyerno sa mga suhestyon at sa mga nagsasalita hinggil sa mga polisiya nito sa pagresolba ng problema sa COVID-19.

Malinaw aniya na simula’t saput ay ginagawa ng Bise Presidente ang kanyang makakaya habang nagsasagawa siya ng konsultasyon sa mga eksperto para mapabuti ang mga programa ng gobyerno.

Facebook Comments