Mga Kukuha ng Student Permit at Lisensya, Sasailalim na sa Training

Cauayan City, Isabela- Ipapatupad na ng Land Transportation Office (LTO) ang bagong patakaran para sa pagkuha ng student permit.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Manny Baricaua, Administrative Officer ng LTO Region 02, sasailalim na sa 8 hanggang 15 oras na training ang mga kukuha ng student permit at lisensya bilang bahagi sa bagong requirement ng LTO.

Mayroon na aniyang naitalaga na mga accredited driving schools sa bansa alinsunod na rin sa inilabas na memorandum Circular 2019-2176 ng pamunuan ng LTO noong buwan ng Disyembre.


Kaugnay nito, inumpisahan na ang training ng mga instructors at mga stakeholders na katuwang ng LTO para sa pagpapatayo ng mga driving schools.

Inaasahan na sa susunod na Linggo ay mag-iisyu na ang LTO Region 02 ng provisional authority upang makapag-operate na ang mga kwalipikado at accredited na driving school’s.

Ipinaliwanag nito na mahalagang sumailalim muna sa pagsasanay ang mga kukuha student permit at lisensya upang mabigyan ng sapat na kaalaman kaugnay sa pagmamaneho at sa mga iba’t-ibang patakaran sa pagbiyahe sa lansangan.

Kung titingnan aniya, halos 70 hanggang 80 porsiyento sa mga nangyayaring aksidente sa lansangan ay dahil sa driver’s error.

Una nang sinuspinde ng LTO nong buwan ng Enero ang pag-isyu ng student permit upang mapaghandaan at maipatupad ito sa darating na Agosto.

Bago aniya makakuha ng student permit ay dapat dumaan muna sa 15 oras na theoritical course na naglalaman ng mga iba’t-ibang patakaran ng pagmamaneho at iba’t-ibang batas na ipinapatupad ng LTO.

Para naman aniya sa mga kukuha ng driver’s license gaya ng non-professional at professional license ay kinakailangan naman na sumailalim sa 8 oras na practical driving course.

Ang walong (8) oras aniya na requirement para sa practical driving course ay dipende sa kukunin na code kung anong gustong imaneho ay manual na motorsiklo o 4 wheels.

Inaasahan aniya nila na marami ang maninibago sa bagong patakaran subalit kailangan aniya ito para na rin sa kaalaman o edukasyon sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa lansangan.

Mensahe naman nito sa lahat na maging responsable sa pagmamaneho, tumalima sa mga ipinatutupad ng mga law enforcer at isipin din ang kapakanan ng sarili at ng pamilya.

Facebook Comments