Cauayan City, Isabela- Pinapayuhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ng Cauayan ang mga kukuha ng travel pass sa kanilang tanggapan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Ronald Viloria, CDRRM Officer, dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang kaso sa Lungsod ay gumawa aniya ng hakbang ang kanilang tanggapan upang hindi kailangang magkaroon ng physical contact sa pagkuha ng travel pass.
Sa bagong sistema ng CDRRMO sa pag-iisyu ng travel pass, kinakailangan lamang na magtungo at kumuha ng form sa labas ng City Hall at sagutan ng kumpleto ang mga hinihinging impormasyon.
Dapat aniya ay maging tapat sa pagsagot at isulat ito ng maayos.
Bago ihulog sa drop box ang napirmahang form ay isama rin ang medical certificate dahil kung walang medical certificate ay hindi aniya ito gagawan ng nasabing tanggapan.
Kung naisuimite mula alas 8 hanggang 12 ng tanghali, makukuha agad ito pagkatapos ng ilang oras habang ang mga nakapagpasa naman sa oras ng ala 1:00 hanggang alas 5:00 ng hapon ay makukuha na kinabukasan.
Ayon pa kay Ginoong Viloria, nakabase sa ibibigay na validity ng medical certificate ang Validity ng travel pass.
Nag-iisyu lamang ng nasabing dokumento ang CDRRMO sa araw ng Lunes hanggang Biyernes.
Samantala, nilinaw ni Ginoong Ronald Viloria na ang travel pass ay maaaring gamitin kung bibiyahe lamang sa loob ng Rehiyon dos subalit kung lalabas n ang rehiyon ay kinakailangan na ng travel authority na iniisyu ng PNP.