Handang panagutin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga kumpanyang hindi susunod sa kautusan hinggil sa pagsusuot ng face shield.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, sinabi nito na bagama’t hindi pa naisasapinal ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang guidelines sa pagsusuot ng face shield sa working areas, dapat na sumunod ang mga kumpanya sa mga inilatag na health protocol ng pamahalaan.
Dagdag pa ni Bello, dapat na sagutin ng mga kumpanya o ng employers ang bawat face shield ng kanilang mga empleyado.
Aniya, ang nasabing hakbang ay upang maiwasan ang hawaan ng virus sa mga work places kung saan ang pagsususot ng face mask at face shield ng bawat empleyado ay upang matiyak ang kanilang kaligtasan at kalusugan.
Ayon pa sa kalihim, nagpabili na rin siya ng mga face shield para ipamigay ng libre sa lahat ng empleyado ng DOLE sa buong bansa.
Una nang naglabas ng kautusan ang Department of Transportation (DOTr) na kinakailangan nakasuot na ng face shield ang bawat pasahero kung sasakay ng pampublikong transportasyon.
Samantala, inihayag ni Bello na nasa higit tatlong milyung manggagawa ang naapektuhan ng COVID-19 pandemic kung saan 1.9 dito ang nasa ilalim ng flexible working arrangement tulad ng work from home.
Nasa 1.2 naman ang pansamantalang nawalan ng trabaho matapos tumigil ang operasyon ng kanilang kumpanya, pero ilan sa mga ito ay may posibilidad na makabalik sa trabaho sakaling matapos ang pandemic.