Mga kumukuha ng National ID, pinaalalahanang sumunod pa rin sa health protocols

Mahigpit ang paalala ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar sa publiko na obserbahan ang Minimum Health Safety Standards sa pagpaparehistro para sa National ID System (PhilSys).

Ang paalala ay ginawa ng PNP Chief matapos ang insidente sa isang mall sa San Jose Delmonte, Bulacan kung saan dumagsa ang mga nagparehistro kahit walang appointment.

Kumalat sa social media ang mga larawan ng insidente at kapansin-pansin na hindi nasunod ang physical distancing.


Ayon kay Eleazar, maganda ang layunin ng National ID, ngunit ang pagpaparehistro ay hindi dapat maging “super spreader event” para magkahawa-hawa sa COVID-19.

Dahil dito, inutusan na ni Eleazar ang local police commanders na i-monitor ang PhilSys registration sites para matiyak na maiiwasan ang mass-gathering at nasusunod ang physical distancing.

Facebook Comments