Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mr. Bernard Gammad, owner ng Del insurance, bagamat requirements ang insurance sa mga nagpaparehistro ng sasakyan sa Land Transportation Office o LTO ay matumal pa rin aniya ang mga kumukuha nito.
Sinabi nito na ilan sa kanilang mga naging kliyente ay hindi na nakapag renew dahil na rin sa dulot ng pandemya habang ang iba naman ay ipinagpatuloy pa rin ang pagkuha ng vehicle insurance dahil batid aniya nila ang kahalagahan ng pagkakaroon ng insurance.
Karamihan naman aniya sa mga kumukuha ng insurance ay may mga minamanehong motorsiklo, traysikel at 4-wheels.
Ayon kay Gammad, marami aniya silang insurance company na nakapwesto malapit sa tanggapan ng LTO Cauayan at sila ay nirerekomenda sa mga nagpaparehistro ng sasakyan.
Nilinaw ni Gammad na pangunahin sa kanilang iniaalok na insurance ay TPL o third Person Liability Insurance kung saan sagot lamang ng insurance ang taong nabangga ng nagpasiguro sa loob ng isang taon.
Halimbawa na lamang aniya ang hospital bill o pampagamot ng nabanggang tao ay babayaran ng insurance company samantalang kung namatay naman ang nabangga ng nagpasiguro ay automatic na bibigyan ng P100,000 ang naiwang pamilya ng nabanggang biktima.
Kaya naman hinihikayat ang lahat ng may minamanehong sasakyan na magpa-insure muna para makapagrehistro sa LTO upang sa ganon ay mayroong aasahang sasagot sakaling masangkot sa aksidente o mayroong mabanggang tao.
Kaugnay nito, nagpapasalamat si Gammad sa LTO dahil kahit papaano ay natutulungan ang mga maliliit na insurance company sa pamamagitan ng pagrerekomenda sa kanila.