Sa bawat hibla ng kawayan, bawat padyak ng habihan, at bawat produktong nililikha, nasusulat ang mga kwento ng pagsusumikap at pag-asa ng mga taga-La Union.
Mula Sudipen hanggang Bacnotan, pinatutunayan ng iba’t ibang bayan na sa sipag, diskarte, at paglinang sa lokal na yaman, nabubuo ang matatag na kabuhayan at mas maliwanag na kinabukasan ng komunidad.
Sa Sudipen, tatlo sa 17 barangay ang aktibong gumagawa ng bamboo weaving. Dito hinuhubog ang mga basket, tray, pouch, bag, at wallet na nagsisilbing pangunahing ikinabubuhay ng maraming pamilya.
Karamihan sa mga naghahabi ay senior citizens, kaya’t nakatakdang magtayo ang lokal na pamahalaan ng demo center upang maipasa ang kaalaman sa kabataan.
Patunay sa halaga ng sining na ito, sina Jose Luisito Corpuz, 54 anyos, na 44 na taon nang naghahabi para sa pang-araw-araw na gastusin, at Noli Velasco, 70 anyos, na sa paghahabi napagtapos ang kanyang tatlong anak.
Sa Bangar naman, nananatiling buhay ang tradisyon ng Inabel o Abel Iloko na hinahabi sa wooden loom. Ayon kay Tourism Officer Rodrigo “Rodz” Sarmiento Jr., naging sandigan ito ng maraming pamilya lalo na noong pandemya. Sina Violy Marie at Julieta Magallanes ay kapwa naitaguyod ang pag-aaral ng kanilang mga anak sa pamamagitan ng loom weaving.
Samantala, naging matagumpay rin ang pancit mami noodle business ni Corazon Mantilla na umaabot sa 200 kilo kada araw ang benta, patunay na may malaking potensyal ang lokal na food processing na nagbibigay ng kabuhayan rin sa mga residente sa komunidad.
Sa San Gabriel, halos kalahati ng komunidad ang umaasa sa paggawa ng walis tambo o buyboy mula sa tiger grass. Ayon kay Roemy Layugan, 60 anyos, mula pa dekada 1960 isinasagawa ang industriyang ito na hindi nangangailangan ng malaking puhunan, kaya’t bukas na oportunidad para sa maraming pamilya. Sa simpleng paggawa ng walis, naitatawid ang pangangailangan at naipagpapatuloy ang pamana ng hanapbuhay sa susunod na henerasyon.
Samantala, sa Bacnotan, umuusbong ang mga produktong mula sa agrikultura at pag-aalaga ng hayop. Tampok ang Duckery Farm ni Geneva Ganalon na lumikha ng duck binagoongan at iba pang processed duck products na tinatangkilik na sa mga paaralan at pasalubong center.
Dagdag pa rito, umaani rin si beekeeper Razel Mondejar ng 12 hanggang 15 kilo ng purong pulot kada anihan, patunay sa potensyal ng sustainable at environment-friendly na kabuhayan.
Sa kabuuan, ipinakikita ng mga kuwentong ito na ang tunay na yaman ng La Union ay nasa sipag at pagkakaisa ng mga mamamayan. Sa pagpapanatili ng tradisyon at pagyakap sa inobasyon, napapanday ang isang komunidad na matatag, may malasakit, at may pag-asang maipamana ang dignidad ng paggawa sa susunod na henerasyon.







