
May aasahang taas-sahod ang mga manggagawang kumikita ng minimum wage sa Bicol Region simula sa susunod na buwan.
Ito ay matapos aprubahan ng Regional Wage Board ng Bicol ang ₱45 na dagdag sa arawang
sahod ng minimum wage earners.
Ayon sa National Wages and Productivity Commission (NWPC), hahatiin ito sa dalawang bugso na parehong ipapatupad ngayong taon.
Sa ilalim ng bagong wage order, mula sa P435 ay P455 na ang magiging daily minimum wage sa rehiyon mula April 08.
Habang sa unang araw ng Disyembre ang P25 pa na dagdag para maging P480 na ang arawang sahod ng mga mangagawa na nasa pribadong sektor.
Sinabi naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ito ang huling rehiyon na kumukumpleto sa wage adjustment cycle para sa taong 2025-2026.










