Tukoy na lahat ang pagkakakilanlan ng mga labi ng mga sundalong nasunog sa pagbagsak ng C130 plane sa Sulu noong July 4, 2021.
Ito ang inihayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Affairs Office Chief Captain Jonathan Zata matapos na isailalim ang mga labi ng mga sundalo sa ilang proseso para lang makilala.
Ang huling sampung bangkay ng sundalo na nakilala na ay sina Corporal Dexter Estrada, Corporal Reynel Matundin, Corporal Gulam Ismael, Private First Class Bengie Malanog, Private Ian Azuelo, Pvt. Erwin Canton, Pvt. Mansueto Lingatong III, Pvt. Mar Jhun T. Capagngan, at Pvt. Michael Dalore, sila ay mga miyembro ng Philippine Army, at Airman 2nd Class Glen Mar G. Biscocho mula sa Philippine Air Force (PAF).
Sinabi ni Zata na ang lahat ng labi ay na-i-transport sa kanilang mga probinsya para mailibing ng kanilang mga pamilya.
Muli namang nagpaabot ng pakikiramay ang pamunuan ng AFP sa mga pamilya ng mga nasawing sundalo.
Tiniyak naman ng liderato ng AFP na mabibigyan ng tulong ang mga naiwang pamilya ng mga sundalo.
Sinabi pa ni Zata na ang iniwang alaala ng mga sundalo na namatay habang ginagampanan ang kanilang trabaho ay hindi lang alaala at inspirasyon sa kanilang pamilya kundi maging sa buong AFP para mas magpatuloy na tuparin ang sinumpaang tungkulin na pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan sa bansa.