Mga labi ng OFW na nasawi sa paragliding accident sa Georgia, naiuwi na

Naiuwi na sa kanilang lugar ang mga labi ng 38-anyos overseas Filipino worker na namatay sa paragliding accident sa Gudauri, Georgia noong Hunyo 1.

Paliwanag ng pamilya sa aksidente, nagkaroon umano ng problema ang sinakyang paraglider ng nurse na si Bryan Vale De Guzman dahilan para mahulog ito sa mabatong ilog.

Dahil sa lakas ng agos ng tubig, inanod si Bryan sa malalim na bahagi ng ilog dahilan ng kaniyang pagkalunod.


Kaya ayon sa ina ng OFW, maraming pasa ang katawan nito nang maiuwi.

Kuwento pa ng ina, iba at tila namamaga ang mukha ng anak niya nang dumating pero naging masaya na aniya at nabawasan ang pamamaga nang hawakan niya na ito.

Nagpasalamat naman ang pamilya ng OFW sa mga taong tumulong para maiuwi ang mga labi ng kaanak.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya sa Gudauri na walang lisensya ang grupo ng paraglider na nag-operate sa nasabing lugar.

10 taong nagtrabaho bilang nurse sa Saudi Arabia si De Guzman.

Facebook Comments