Tuesday, February 3, 2026

Mga labor group, iginiit na maisama na ang mga “gig” workers sa SSS coverage

Isinusulong ng Nagkaisa Labor Coalition na maisama na rin sa Social Security System (SSS) coverage ang mga tinatawag na “gig” workers o platform workers.

Ito ang nagkakaisang paninindigan ng mga labor group sa katatapos na National Tripartite Conference.

Ito’y sa harap na rin ng pagiging bulnerable o pagkakasakit ng naturang sektor dahil sa uri ng kanilang ibinibigay na serbisyo sa publiko.

Iginiit ni Atty. Sonny Matula ng Nagkaisa na lahat ng manggagawa, maituturing na regular, independent contractors o self-employed, ay kailangang isama sa state social security net sa halip na umasa sa limitadong pribadong insurance scheme.

Aniya, sa ngayon ay mayroong Department of Labor and Employment (DOLE) Labor Advisory No. 14-21 na nagtatakda ng guidelines para sa Philippine platform economy, partikular sa mga karapatan ng mga delivery riders at courier services.

Ani Matula,dito masusubok ang nakamit na tagumpay sa naging desisyon ng Supreme Court na nagre-regular sa mga tauhan ng GMA-7, na matagal ding inuri bilang independent contractors o talent.

Nanawagan ang mga labor groups na maglabas na ng IRR o implementing rules and regulations na magbibigay ng hugis sa malinaw na paninindigan ng Korte Suprema hinggil sa karapatan at dignidad ng mga manggagawa.

Facebook Comments