Mga lalabag sa ECQ, makukulong “Indefinitely” ayon sa JTF Covid Shield

Babala ni Joint Task Force Covid Shield Commander PLt. Gen. Guillermo Eleazar sa mga mahuhuling lalabag sa Enhance Community Quarantine na maaring makulong sila ng “Indefinitely” o walang partikular na period of time.

Ginawa ito ni Eleazar matapos na umabot kahapon sa 108,088 ang mga nahuling lumabag sa quarantine protocol.

Sa mga nahuli, 76,989 ay pinauwi rin matapos bigyan ng warning at 4,969 violators ang pinagmulta.


Habang 5,539 ang sinampahan ng kaso sa pamamagitan ng electronic inquest, at 20,591 ang isasailalim sa regular case filing.

Paliwanag ni Eleazar, ang E-Inquest ay ginagawa sa istasyon ng pulis sa pamamagitan ng video conference sa mga prosecutor ng DOJ, matapos na maaresto ang mga suspek.

Kaya hindi rin aniya makakalusot sa kaso ang mga nahuling lumabag sa ECQ kahit sarado ang mga korte.

Problema na aniya ng mga makakasuhan kung saan magpipiyansa dahil sarado ang mga korte, kaya possibleng sa kulungan sila manatili hanggang sa matapos ang quarantine period.

Facebook Comments