Cauayan City, Isabela- Hindi na palalampasin ng mga otoridad ang sinumang lalabag sa health and safety protocols na ipinatutupad sa Lungsod ng Cauayan.
Ito ang sinabi ni Ret. Col Pilarito ‘Pitok’ Mallillin, pinuno ng Public Order and Safety Division (POSD) Cauayan sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Aniya, nagsimula na noong Biyernes, Enero 8, 2021 ang mas pinahigpit na pagpapatupad ng health and safety protocols sa ilalim ng umiiral na Modified General Community Quarantine (MGCQ) dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Lungsod.
Kung sino man aniya ang mahuhuli na lalabag sa protocol gaya ng hindi pagsusuot ng facemask, full face shields at social distancing maging sa pagsailalim sa quarantine ay hindi na mag-aatubili ang mga Apprehension Team na hulihin at sampahan ng kasong paglabag sa RA 11332.
Kaugnay nito, nagpapatuloy ang ginagawang pag-iikot ng mga kasapi ng POSD para manawagan at paalalahanan ang mga Cauayeño na sumunod sa mga protocols upang makaiwas ang mapigilan ang lalong pagdami ng COVID-19 cases.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 117 active cases ang naitala ng Lungsod ng Cauayan.