Hinimok ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng Local Government Units (LGUs) na tiyaking nakalinya at naaayon sa patakaran at direktiba ang kanilang mga kautusan na nagpapatupad ng ban sa pagpasok ng baboy at pork products sa kanilang lugar.
Ayon kay DILG Spokesperson Jonathan Malaya, batid ng ahensiya ang pag-iisyu ng mga executive orders ng mga LGU na layong maiwasan ang pagpasok at pagkalat ng African Swine Fever (ASF).
Pero ayon kay Malaya, dapat ay may koordinasyon ang mga LGU sa Department of Agriculture (DA) Field Offices para sa pare-parehong ASF zoning classification system.
Sa inilabas na DILG Memorandum Circular No. 2021-00 ni DILG Officer-in-Charge Bernardo Florece, Jr., hinihimok ang mga LGU na magsagawa ng agarang review sa kanilang executive orders at ihanay ang kanilang layunin.
Kailangan umanong sundin ng mga LGU ang nationwide policy tungkol sa unhampered flow ng mga kargamento na nakasaad sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) Resolution No. 14 at Presidential Administrative Order No. 22 upang mapagaan ang ASF sa bansa sa gitna ng pandemya.