Iginiit ni CamSur Rep. LRay Villafuerte sa mga Local Government Unit (LGU) na makipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH) gayundin sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Para ito sa paglalagay ng anti-COVID-19 vaccine centers sa mga paaralan bilang suporta sa pagsisikap ng Marcos administration na mapag-ibayo ang pagbabakuna sa harap ng nakatakdang pabubukas ng klase sa susunod na linggo.
Ayon kay Villafuerte, ang paglalagay ng vaccination centers sa mga eskwelahan ay makakatulong para mas marami ang mabakunahan na mga guro at mag-aaral para sila ay maproteksyunan sa muling pagbabalik ng face-to-face classes habang tumataas muli ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Tinukoy ni Villafuerte na sa ngayon ay maaring tumanggap ng booster shots ang mga adult at mga batang edad 12 hangang 17 years old habang maari ng bigyan ng 2 doses ng bakuna ang 5 hanggang 11 taong gulang.
Nakikiisa din si Villafuerte sa apela ni DepEd Spokesman Michael Poa sa mga opisyal ng LGU, na alisin na ang mga itinayong COVID-19 isolation facilities sa mga paaralan.
Inihalimbawa ni Villafuerte ang ginawa ng Camarines Sur Provincial Capitol na pagtanggal sa COVID-19 quarantine centers sa mga eskwelahan at paglipat ng mga ito sa district hospitals o sa isolation facilities na inilaan ng provincial government.