Mga LGU, malayang maglaan ng pondo para sa One Town, One Product program

Bahala ang Local Government Units o LGUs na bigyan ng dagdag na budget ang mga opisina ng One Town, One Product program sa kanilang bayan.

Inihayag ito ni Quezon Third District Rep. Reynante Arrogancia matapos ipasa ng Mababang Kapulungan sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 1171 na panukalang One Town, One Product o OTOP Philippines Act.

Ayon kay Arrogancia, may probisyon sa panukala na nagpapahintulot sa mga LGU na magpasya kung gaano kalaki ang magiging OTOP budget nila, na bukod pa sa taunang pondo na magmumula sa Department of Trade and Industry o DTI.


Binanggit ni Arrogancia na dati kasi ay DTI budget lang ang maasahan para sa OTOP at nakahalo rin ang pondo nito sa alokasyon para sa iba pang programa ng ahensya.

Kaugnay nito ay hinikayat naman ni Arrogancia ang mga alkalde, lalo na sa kaniyang distrito, na konsultahin ang mga residente at negosyo sa kanilang mga bayan para piliin nila ang mga produktong ibibida ng bawat bayan sa OTOP program.

Tiniyak naman ni Arrogancia, na hindi mapapabayaan ang ibang mga produkto dahil mayroong iba pang mga programa ang DTI tulad ng shared service facilities at Negosyo Centers.

Facebook Comments