Mga LGU na mahusay sa pagpapatupad ng proyekto kailangang dumami – Lacson

Tularan ang mga local government unit (LGU) na katangi-tangi sa pagpapatupad ng kanilang mga programang pangkaunlaran at mga paraan ng paghahatid ng mahusay na serbisyo publiko.

Ito ang iminungkahi ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson matapos personal na makita sa pag-iikot sa buong bansa ang kaibahan ng implementasyon at pamamalakad ng mga LGU sa kani-kanilang mga proyekto.

Dahil dito ay mas tumibay ang pagnanais ni Lacson na maitama ang pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan upang malawak na maramdam at hindi lamang ng iilan ang pag-unlad na inaasam ng lahat sa pamamagitan ng isinusulong niyang Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE).


Ibinigay na halimbawa ni Lacson ang ‘People’s Day’ na inisyatiba ni Tuguegaro City Mayor Jefferson Soriano, kung saan dinala ng alkalde ang gobyerno sa mga ordinaryong mamamayan sa halip na sila ang lalapit sa pamahalaan para idulog ang kanilang mga hinaing at pangangailangan.

“You know what they’re doing there? At least once a month, sila ‘yung nagpupunta sa mga barangay, [kasama] lahat ‘yung national agencies… ‘Yung mga tao pinupuntahan ng mga national agencies para mag-cater sa mga kailangan nila; nag-re-render ng service. Sabi ko, this is a very good public service na pwedeng gawin din on national level,” sabi ni Lacson sa ‘Kapihan ng Samahang Plaridel’.

Ganitong uri ng pamamahala ang ipinapakita nina Lacson at running mate niya na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III sa pagsasagawa nila ng mga town hall meeting ngayong kampanya at giniit nilang maipagpapatuloy pa ito sa ilalim ng kanilang liderato.

Sa kanila pa ring pag-iikot at pakikipagdayalogo sa mga lokal na opisyal ng pamahlaan, nalaman nina Lacson at Sotto na may ilang mga LGU ang inililibre ang prangkisa at maging plaka ng mga tricycle driver at operator, na isa rin aniya sa mga nais nilang maipalaganap sa buong bansa.

Ayon sa Lacson-Sotto tandem, kinikilala nila ang mga magagandang hakbang ng mga nagdaan at kasalukuyang administrasyon sa pamamahala, ngunit nakikita nila na may mga kailangan pang paghusayan sa implementasyon ng mga batas, lalo na ng kanilang mga inakda at isinulong sa Senado.

Tulad na lang umano ng ipinasang batas ni Sotto na Batas Republika 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002 para maaalis at malabanan ang problema sa iligal na droga, at ang Bayanihan I na layuning makatulong sa mga mamamayan na labis na naapektuhan ng lockdown dulot ng pandemya, na pawang may mali o kakulangan sa implementasyon.

“Those are only a few of the laws that we have personally, principally authored or principally sponsored, but are not implemented by the executive department. At saka pagdating sa executive department, the problem is ‘yung mga ginawa naming mga batas… lalagyan ng implementing rules and regulations na iba na sa spirit ng law. Kaya sabi nga namin, the ones who crafted the laws will be the best executives,” sabi ni Sotto.

Para naman kay Lacson, ang BRAVE program ang nakikita niyang paraan para maresolba ang iba’t ibang mga problema na kinakaharap ng mga LGU at national government, lalo na sa pagbababa ng pambansang budget sa mga maliliit na komunidad na target na maiayos ng kanyang mungkahi.

Facebook Comments