Pinayuhan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga Local Government Unit (LGU) na sinalanta ng kalamidad na i-realign ang kanilang budget para sa emergency purposes.
Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, maaari itong gawin ng bayan ng Cataingan, Masbate na tinamaan ng Magnitude 6.6 na lindol.
Sinabi ni Malaya na aalamin ng kagawaran kung naubos ng nasabing bayan ang kanilang calamity fund para mabigyan sila ng “Bayanihan Grant.”
Bukod sa pagre-realign ng budget, maaari ding umapela ang lokal na pamahalaan ng Cataingan ng tulong mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ang lalawigan ng Masbate ay mayroong quick response fund na maaring gamitin para ayudahan ang mga biktima ng lindol.
Ang relief operations naman ay nasa ilalim ng mandato ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).