Hinikayat ni Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong ang mga Local Government Units (LGUs) na bilhin ang mga produkto mula sa mga magsasaka ng Cordillera.
Ayon kay Ong, sa Cordillera ay ipinamimigay at itinatapon na lamang ang mga aning gulay dahil walang mapagbebentahan at apektado din ang pagbyahe ng mga produkto ng lockdown samantala sa Metro Manila naman ay maraming nagugutom at wala halos maipamigay na pagkain ang mga LGUs dahil sa kawalan ng suplay.
Bagama’t tiniyak naman umano ni Pangulong Duterte na tuluy-tuloy ang paghahatid ng mga farm products sa mga siyudad, nagiging mabagal naman ang mga negosyo dahil kakaunti na lamang ang mga taong pumupunta sa mga palengke at pamilihan.
Hiling ni Ong sa mga LGUs, bilhin ng mga ito ang mga gulay na siyang ipapamahagi sa mga residente upang mapakinabangan ang mga ani ng mga Cordillera farmers at mabigyan din ang mga ito ng kita.
Maaari rin, aniyang, bilhin ng gobyerno direkta sa mga magsasaka sa Cordillera ang kanilang mga pananim at gawing ready-to-eat-meals na ipapamahagi sa mga frontliners.
Mainam, aniya, na gulay ang kainin dahil bukod sa masustansya ay kailangan ito para palakasin ang katawan laban sa COVID-19.
Ang kongresista rin ay naglunsad ng Libreng Gulay kung saan namahagi ito ng ilang truck ng gulay sa lokal na pamahalaan ng Pasig at Valenzuela na mula naman sa mga vegetable farms sa Benguet.