Mga LGUs na nagpatupad ng localized lockdowns, inatasan ng DILG na bumuo ng QRT

Pinabubuo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng Quick Response Team (QRT) ang mga lokal na pamahalaan na nagsailalim sa ilan nilang lugar sa localized lockdown.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, layon nito na makapaglatag agad ng pinahigpit na health protocols.

Responsibilidad ng mga QRT na agresibong makapagsagawa ng contact tracing, testing at isolation ng mga pasyente upang hindi na kumalat ang virus sa mga lockdown areas.


Ayon kay Año, ngayong na-flatten na ang curve ng COVID-19, pinakamabisang istratehiya ang pagsasagawa ng surgical lockdowns.

Makakabuo kasi aniya ng sistema hindi lamang sa pagpigil sa pagkalat ng virus, kundi sa mabilis na pagbibigay ng Social Amelioration Program (SAP) sa mga apektadong residente.

Binigyang diin ng DILG Chief na hindi na kakayanin ng gobyerno na muling isailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang bawat rehiyon sa bansa, kung kaya’t nasa mga gobernador at mayor na ang responsibilidad ng pagkontrol sa movement ng kanilang mga mamamayan.

Facebook Comments