Natanggap na ng mga lokal na pamahalaan ang kautusan mula sa Dept. of Interior and Local Government na nag-uutos na ipatupad ang total lackdown sa mga bayang sakop ng 14 kms danger zone ng Taal Volcano.
Mismong si Tanauan City Mayor Sweet Halili ang tumanggap na liham na pirmado ni DILG Sec. Eduardo Ano na inuutusan ang mga lokal na pamahalaan para isagawa ang force evacuation at lockdown sa mga bayan at lungsod.
Inaatasan din ni Sec. Año ang hanay ng PNP na paalisin ang mga residenteng sakop ng 14 kms danger zone at kung hindi susunod ay arestuhin ang mga ito.
Sa panig ni Mayor Halili, tatalima sila sa kautusang ito ng DILG at ipatutupad agad ang lockdown sa kanilang bayan.
Pinakiusapan na rin ng alkalde ang kanyang mga kababayan na sundin ang kautusan ng DILG upang hindi malagay sa alanganin ang buhay ng mga ito sakaling magkaroon ng major eruption.
Sa national road ng Brgy. Ambulong, Tanauan City, Batangas, pila ang mga sasakyan at motorsiklo ng mga residente ng lungsod na nagbabakasakaling makapasok sila upang mabisita at mapakain ang mga alagang hayop.
Ngunit bigo ang mga ito na mapakiusapan ang mga awtoridad dahil sa kautusang total lackdown at zero resident ang ipinatutupad ng pamahalaan.