Mga LGUs, pinagbubuo ng DILG ng BHERTs na tutugon sa banta ng nCoV

Ipinag-utos na ni DILG Secretary Eduardo Año sa mga local chief executives na magtatag ng Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs) sa lahat ng barangay sa buong bansa.

Layon nito na matulungan ang gobyerno sa pagtugon sa krisis dala ng 2019 novel coronavirus (nCoV) ARD sa kani-kanilang komunidad.

Sinabi ni Año, bawat barangay ay dapat magkaroon ng  sapat na kaalaman  tungkol sa sakit at handang magpatibay ng mga protocol para mapigilan ito.


Bawat barangay chairperson o punong barangay ay magtatalaga ng mga miyembro sa Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) na binubuo ng executive officer, barangay tanod at dalawang barangay health workers, isa sa kanila ang nurse o midwife.

Lahat ng miyembro ay may protective gears tulad ng surgical gowns, goggles, masks at gloves.

Ang BHERTs ang magsisilbing mata at tenga ng gobyerno upang matiyak na lahat ng residente sa kanilang nasasakupan ay accounted at ganap na naiimpormahan tungkol sa nCoV.

Sila na rin ang bibisita sa bahay ng mga pasaherong bagong dating mula sa nCoV-infected country at aalamin ang detalye ng kanilang biyahe.

Obligado rin ang mga ito na i-record ang daily body temperature ng mga bagong dating na pasahero sa kanilang lokalidad sa umaga at hapon at posibleng confinement ng 14 na araw para obserbahan ang possible coronavirus symptoms.

Facebook Comments