Mga libreng WiFi sa mga pampublikong lugar na ipinatupad ng nakaraang administrasyon, hindi na gumagana

Hindi na gumagana ang libreng WiFi sa mga pampublikong lugar sa bansa na ipinatupad ng nakalipas na administrasyon.

Ayon kay Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy na hindi na ni-renew ng Duterte administration ang kontrata para sa libreng WiFi matapos mag-expire noong December 2021 kaya hindi na makagamit ng libreng internet connection ang publiko.

Hindi rin aniya sila naabisuhan sa napasong kontrata para sa nabanggit na proyekto kaya tinitingnan ngayon ng ahensiya kung ano ang magagawa para magtuloy-tuloy ang connectivity ng publiko.


Nakakapanghinayang aniyang hindi naipagpatuloy ang libreng WiFi sa mga pampublikong lugar dahil nailatag na ang mga tore at transmitters pati na ang mga kagamitan pero hindi magamit ng mga tao dahil walang bandwidth.

Dahil dito, sinabi ng kalihim na pinag-aaralan na nilang ipagpatuloy ito sa pamamagitan ng Broadband ng Masa na ikinasa ng Marcos administration at buhayin ang mga naputol na internet connections.

Inaayos na aniya nila ang mga isyu sa dating programa para magtuloy-tuloy ang serbisyo ng libreng WiFi sa mamamayan.

Facebook Comments