Nagsagawa kahapon ng emergency meeting ang mga lider ng iba’t ibang political party sa Kamara upang talakayin ang Bayanihan 3.
Bunsod na rin ito ng pulong sa pagitan ng house leadership noong weekend kasama ang ehekutibo kung saan nagkasundo na hanapan ng pondo ang ikatlong Bayanihan Law.
Ayon kay Deputy Speaker Mikee Romero, tinalakay sa pulong kung paano mapapabilis ang pagpapatibay sa nasabing panukala pati na ang nakabinbing COVID-19 mitigating measures sa Kongreso.
Sumentro rin aniya ang usapan sa plano ng dagdag ayuda para sa 110 milyong mga Pilipino.
Kabilang sa mga dumalo ang mga lider mula sa PDP-Laban, Nationalist People’s Coalition, Partylist Coalition, Nacionalista Party, National Unity Party, Liberal Party, Hugpong ng Pagbabago at Independent na mga kongresista.
Una nang sinabi ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda sa isang panayam na target ipasa sa joint committee ang Bayanihan 3 ngayong linggo.