Mga lider ng Kamara, nakiusap na bigyang tsansa ang Bayanihan 3

Umapela muli ang mga lider ng Kamara sa Ehekutibo na bigyang pagkakataon ang panukalang Bayanihan to Arise as One Act o ang Bayanihan 3.

Ang panawagan ay kasunod ng pahayag ng Malakanyang na wala nang pangangailangan sa P405 billion na Bayanihan 3, sa gitna ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic.

Ayon kay House Deputy Speaker Michael Romero, mahalagang maging ganap na batas ang panukalang Bayanihan 3 dahil kailangan ito para sa dagdag ayuda sa mga Pilipino na apektado pa rin ng pandemya, at maging ang pondo na para sa COVID-19 vaccination program.


Dagdag pa ng kongresista, mayroon na rin namang natukoy na pondo na maaaring pagkunan para sa Bayanihan 3 bill na hindi bababa sa P140 million, para sa unang tranche.

Mayroon na rin aniyang “gentleman’s agreement” ang economic managers ng Duterte administration, ang Senado at Kamara kung magkano talaga ang pondo para sa panukalang Bayanihan 3.

Duda naman si House Deputy Speaker Benny Abante na kaya malamig ang Senado at Ehekutibo sa Bayanihan 3 bill ay dahil sa mga naging isyu sa Bayanihan 1 at Bayanihan 2 tulad ng “underspending” sa pondo.

Facebook Comments