Mga lider ng PIRMA, pinaghahanda ng Senado sa mga kasong posibleng kaharapin

 

Pinaghahanda ng Senado ang mga leader ng People’s Initiative for Modernization and Reform Action (PIRMA) sa mga posibleng kasong kaharapin dahil sa patuloy nilang pagsuway sa Senado.

Ito ang naging babala ni Senator Risa Hontiveros bunsod ng makailang ulit na bigong isumite ng PIRMA ang listahan ng mga donors at ibinayad na buwis para sa tv advertisement na “EDSA-PWERA” sa kabila ng subpoena na inisyu rito ng Senado.

Mahabang panahon aniya ang ibinigay ng Senado sa grupong PIRMA para ilahad ang mga donors sa TV advertisement ukol sa pekeng People’s Initiative (PI) pero sa halip na ilabas sa huling pagdinig ay inihayag ni PIRMA lead convenor Noel Oñate na ibinalik nila ang kontribusyon ng mga donors dahil sa pangamba sa seguridad at privacy.


Giit ni Hontiveros, hindi dapat minamaliit at binabalewala ang utos ng Mataas na Kapulungan at ito ay malinaw na paglabag sa batas.

Babala ng senadora, maliban sa mga criminal penalties ay maaaring ipa-contempt o arestuhin ng Senado si Oñate at iba pang lider ng PIRMA kapag hindi pa rin sumunod sa utos ng komite.

Facebook Comments