Nagsagawa ng isang penitential liturgy ang mga lider ng Simbahang Katolika sa ikatlong araw ng sex abuse summit o ang “protection of minors” meeting.
Dito, humingi ng kapatawaran si Pope Francis, mga cardinal, obispo at iba pang church leader sa mga naging pagkukulang nila bilang tagapangalaga ng simbahan at ng mga kabataan.
Sinimula ang aktibidad sa pamamagitan ng hymn of penance, penitential psalm at pagbasa sa “Parable of the Prodigal Son”.
Sa kanyang reflection, sinabi ni Ghana Archbishop Philip Naameh na bigo ang kaparian na harapin ang madilim na yugto ng Simbahang Katolika.
Iginiit ni Naameh na bilang mga lider ay dapat sundan ang yapak ng prodigal son na marunong umamin sa pagkakamali, humingi ng kapatawaran at handang tanggapin ang mga kabayaran ng pagkakasala.
Dapat aniyang pagsumikapang muli na maibalik ang tiwala ng kawan sa mga kaparian at mahimok ang mga ito na makiisang muli sa pagtataguyod sa kaharian ng Diyos.
Samantala, ngayon din ang huling araw ng sex abuse summit na layong wakasan na ang kontrobersiya sa pang-aabuso sa mga kabataan ng ilang miyembro ng kaparian.