Cauayan City, Isabela- Suportado ng lokal na pamahalaan ng Cauayan sa pangunguna ni City Mayor Bernard Faustino Dy ang pagbibigay tulong pinansyal sa lahat ng mga bar examinees ng Isabela State University Cauayan-College of Law.
Ito ay makaraan ang ginawang pakikipag-ugnayan ng ISU Cauayan-College of Law sa lahat ng lokal na pamahalaan sa lalawigan upang humingi ng suporta para sa mga ‘barista’ na magagamit sa pinakahihintay na Bar examination na pangangasiwaan ng Korte Suprema.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Syrine Joy Cababa, SBO President ng ISU Cauayan-College of Law, tutulong rin umano ang Provincial Health Office sa mga ‘barista’ na hindi pa nakakatanggap ng bakuna kontra COVID-19, isa sa mga requirement na bakunado bago ang pagsusulit.
Una nang sinuspinde ang nakatakdang pagsusulit ngayong buwan ng Nobyembre at ipagpapatuloy sa susunod na taon.
Ayon pa kay Cababa, mas malawak ang panahon ng mga kapwa niya ‘barista’ na makapaghanda bago ang nakatakdang pagsusulit gayong tinitiyak rin ng Korte Suprema ang kaligtasan ng mga kukuha ng pagsusulit laban sa COVID-19.
Samantala, malaki naman ang kaibahan ng isasagawang bar examination dahil kinakailangan ng gumamit ng sariling laptop ang mga ‘barrista’ kumpara sa nakagawian na worksheet.
Hindi na rin kakailanganin na magbiyahe sa Metro Manila ang lahat ng kukuha ng pagsusulit dahil magkakaroon ng partikular na lugar sa mga rehiyon na pagdarausan ng eksaminasyon gaya nalang sa Nueva Vizcaya at Tuguegarao City.
Nasa 23 barista ang kukuha ng pagsusulit mula sa ISU College of Law.
Maliban sa suportang nakuha ng mga barista, nagsagawa rin ng hiwalay na fundraising activity ang Student Body Organization-College of Law sa pamamagitan ng pagbebenta ng limited edition ng jacket at polo at ang malilikom ay gagamitin ng mga bar examinees.
Bukod dito,naitala naman ang malaking porsyento ng mga kababaihang enrollees ngayong academic year sa naturang kurso kung ikukumpara sa mga kalalakihan.
Nagpasalamat naman ang ISU-College of Law sa lawyers-alumni, local government officials at iba pang mga sponsor sa pagbibigay ng tulong.