Hindi na dapat makalusot ang mga super spreader event.
Ito ang bilin ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar sa mga local police unit makaraang magpositibo sa COVID-19 ang mahigit 50 tao sa Quezon City dahil sa pool party at drinking session sa Barangay Nagkaisang Nayon.
Bilin ni Eleazar sa mga pulis, manatiling nakaalerto at i-monitor ng mabuti ang kanilang nasasakupan upang maiwasan ang mass gathering.
Paliwanag niya, regular dapat na nakikipag-ugnayan ang mga police commander sa mga Local Government Unit (LGU) partikular na sa barangay upang maging epektibo ang ipinatutupad na health protocol.
Samantala, umapela naman si Eleazar sa publiko na huwag maging kampante kahit pa bumababa na ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).