Itinampok ang iba’t ibang lokal na produktong agrikultural sa ginanap na Agri-Trade Fair sa San Fernando kahapon, Pebrero 23, 2026, bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-176 na anibersaryo ng pagkakatatag ng lalawigan.
Sa Mabanag Grounds, ipinakita ng bawat lokal na pamahalaan ang kanilang mga pananim, gulay, at iba pang produkto sa malikhaing mga booth, kabilang ang papaya, saba, kalabasa, ampalaya, talong, sitaw, kamote, cassava, at ube.
Kasabay nito, tampok din ang mga sariwang isda at produktong pangisda gaya ng tilapia, hito, bangus, at tuna sa Agri-Fishery HarBEST segment.
Layunin ng naturang fair na palakasin ang merkado, ipakilala ang mga produkto, at lumikha ng mga oportunidad sa negosyo para sa mga lokal na prodyuser, habang pinagyayaman ang kultura at likas na yaman ng La Union.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, ang aktibidad ay nagsilbing plataporma para sa mga magsasaka, mangingisda, micro, small, at medium enterprises (MSMEs), at lokal na negosyante upang ipakita ang potensyal ng agrikultura sa buong lalawigan.








