Manila, Philippines – Hiniling ng isang mambabatas sa Commission on Higher Education na ipasara ang mga low performing nursing school sa bansa.
Ayon kay Assistant Minority Leader at Aangat Tayo Partylist Rep. Harlin Neil Abayon III, nasa 135 na mga nursing school ang hindi man lamang nakaabot sa 15 percent passing rate.
Sinabi ni Abayon na isang ding registered nurse, lubha siyang naalarma sa hindi pagperform ng 29 percent na nursing school.
Maituturing aniyang crucial na bahagi ng health care ang pagmimintina ng mataas na standard dahil nakasalalay dito ang pangangalaga at pagsasalba sa buhay ng isang tao.
Ang mababang passing rate ng nursing liscensure exam ay sumasalamin anya sa kung paano ang takbo ng nursing program ng mga nursing schools.
Iginiit nito na kapag inilalabas ang resulta ng pagsusulit ay ang mga top o mga performing schools lamang ang naibabalita at nalalaman ng publiko pero hindi ang mga nursing schools na may pinakamababang porsyento ng pumasa.
Dahil dito, hinikayat ni Abayon ang Profesional Regulation Commission o PRC na ilathala ang performace ng mga nursing schools upang malaman ito ng publiko lalo na ang mga magulang.