Pinag-aaralan ni Abuyog, Leyte Mayor Lemuel Gin Traya na ideklarang “no man’s land” ang Barangay Pilar dahil sa pananalasa ni Bagyong Agaton.
Ayon kay Traya, 80% ng lugar ay natabunan na ng bato at lupa dahil sa landslide at malalakas na pag-uulan.
Dahil dito, makikipag-ugnayan ang alkalde sa mga eksperto ng Mines and Geosciences Bureau ng Department of Environment and Natural Resources upang magsagawa ng inspeksyon sa barangay at tukuyin kung maaari pa itong tirhan ng tao.
Mababatid na noong 2018 ay idineklara nang danger zone ang Barangay Pilar dahil sa banta ng landslide ngunit hirap ang ilang residente na ma-relocate dahil malapit ito sa kanilang pinagkakabuhayan
Samantala, sinabi naman ni NDRRMC spokesperson Mark Timbal sa panayam ng RMN Manila na magpupulong ang mga rescue teams ngayong araw kaungay sa pagpapatuloy ng search and rescue operations sa mga taong natabunan ng landslide sa Leyte.
Sa huling tala ng NDRRMC, nasa 172 ang bilang ng nasawi dahil sa Bagyong Agaton habang walo ang sugatan at nasa 110 ang pinaghahanap pa rin hanggang sa ngayon