Iaanunsyo ng Commision on Elections (COMELEC) sa Huwebes, March 31 ang listahan ng mga “areas of concern” kaugnay ng 2022 election.
Ayon kay COMELEC Commissioner George Garcia, nagsumite na sa kanila ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ng listahan ng mga lugar na mapapabilang sa “areas of concern.”
Aniya, inilagay ng PNP ang mga lugar sa bansa sa apat na color-coded categories at ito ay ang green, yellow, orange, at red.
Sa pamamagitan aniya nito ay malalaman kung saang mga lugar sa bansa ang kailangang tutukan.
Batay sa PNP, ang mga lugar na inilagay sa kulay green ay itinuturing na “generally peaceful” para sa pagsasagawa ng halalan.
Ang yellow areas ay may suspected election-related incidents sa nakalipas na dalawang eleksyon, may posibleng presenya ng armadong grupo, at may matinding political rivalries.
Ang orange areas naman ay may naitalang presenya ng armadong grupo gaya ng New People’s Army (NPA) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na maaaring maging hadlang sa eleksyon.
Ang mga lugar na nasa red category ay parehong nakakatugon sa mga parameter ng yellow at orange at Ilalagay rin sila sa ilalim ng COMELEC control.