Patuloy pang nadadagdagan ang mga lugar sa Quezon City na isinasailalim sa 14-day special concern lockdown dahil sa pagtaas ng bagong kaso ng COVID-19.
Hanggang kahapon, umabot na sa 25 ang bilang ng mga areas na naka-lockdown sa lungsod mula sa 20 noong July 31.
Kabilang sa mga nadagdag ang isang lugar sa Temple Drive sa Barangay Ugong Norte, anim na lugar sa Dela Cruz at isang lugar sa Manansala St., sa Barangay Krus na Ligas, bahagi ng Fatima St., sa Barangay UP Campus, isang compound sa Cordillera St., Barangay Doña Aurora at isang lugar sa Bagong Buhay St., sa Barangay Sto Niño.
Kaugnay nito, isinara rin pansamantala sa publiko ang Quezon City Public Library bilang pagsunod sa General Community Quarantine (GCQ) na umiiral sa lungsod.
Base sa datos ng Quezon City Local Government Unit, tumaas pa sa 2,608 ang COVID-19 active cases mula sa kabuuang 107,952 na kumpirmadong kaso sa lungsod.