Mga lugar na nasa hard lockdown sa Muntinlupa, patuloy na nadadagdagan

Kinumpirma ng Muntinlupa City government na umaabot na sa 5 mga lugar sa lungsod ang nasa ilalim ngayon ng hard lockdown dahil sa nakakaalarmang pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Kabilang sa mga bagong lugar na ideneklara ni Mayor Jaime Fresnedi na isailalim sa 14 na araw na Extreme Localized Community Quarantine (ELCQ) ang Purok 3, Molera Compound sa Barangay Sucat at Purok 7, Beatriz Compound, De Mesa L & B Street sa Barangay Alabang, epektibo kaninang alas-6:00 ng gabi, August 13 hanggang sa August 27, parehong oras.

Una nang inilagay sa hard lockdown ang Block 8, Hills View at Mangga Street sa Lakeview Homes sa Barangay Putatan; gayundin ang Chico St., Laguerta sa Barangay Tunasan.


Sa ilalim ng total lockdown sa Muntinlupa, ang essential workers gaya ng mga doktor, nurses, paramedics at iba pa, kapag sila ay lalabas o papasok sa trabaho, hindi na sila pwedeng umuwi sa kanilang mga tahanan hangga’t hindi natatapos ang lockdown.

Sa ngayon, 1,252 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Muntinlupa City.

Facebook Comments