Iniulat ni Department of the Interior and Local Government Sec. Eduardo Año kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang taped ‘Talk to the People’ na nasa 299 na lamang ang mga lugar sa bansa na nasa ilalim ngayon ng granular lockdown.
Ayon kay Sec. Año, kabilang dito ang 39 na cities at municipalities at 189 mga barangay sa buong bansa.
Sakop nito ang 443 mga kabahayan o 1,147 na mga indibidwal.
Pinakamaraming naka-granular lockdown ay sa Mimaropa na 97 o katumbas ng 130 na households at 220 mga indibidwal.
Samantala, dito naman sa Metro Manila, 14 na lamang ang mga lugar ang naka-granular lockdown o katumbas ng 44 na households kung saan 211 na mga indibidwal ang apektado.
Bumaba rin ang naitatalang quarantine violators.
62,777 ang mga nahuling lumabag sa hindi pagsusuot ng face mask, 789 naman ang nahuling lumalabag sa mass gathering at higit 29,000 ang hindi sumusunod sa social distancing.
Samantala, inaprubahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang Emergency Use Authorization o EUA amendment ng apat na bakuna na maaaring gamitin bilang 3rd dose o booster shot.
Ayon kay FDA Director General Usec. Eric Domingo, may go signal na para gamitin bilang 3rd dose o booster shot ang Pfizer, AstraZeneca, Sinovac at Sputnik V.
Kabilang sa mga unang makakatanggap ng 3rd dose o booster shot ay ang medical health workers na sisimulan na bukas, November. 17.
Susundan ng senior citizens at mga mayroong immunocompromised conditions at may comorbidities.
Ani Domingo, may listahan ang Department of Health (DOH) kung sino-sino ang bibigyan ng 3rd dose o booster shot.
Bibigyang prayoridad dito ang mga lugar na mataas na ang coverage ng pagbabakuna.