Mas kakaunti ngayon ang mga lugar na tinukoy bilang election areas of concern kumpara noong 2019 mid-term elections.
Ito ang inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kung saan mula sa 946 na lugar noong 2019 ay nasa 300 lamang ito sa ngayon.
Ayon kay DILG Spokesperson at Undersecretary Jonathan Malaya, sa 300 na areas of concern ay 125 naman dito ang nasa category red.
Paliwanag ni mAlaya, ang mas mababang bilang ng mga election areas of concern ay nagpapahiwatig na mayroong pagbuti sa sitwasyon ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.
Sa ngayon, naipasa na aniya ng Philippine National Police sa Commission on Elections (COMELEC) ang listahan para sa gagawing secondary validation.
Ayon sa Comelec, itinuturing ang category red bilang pinakamataas na alert level; immediate concern naman ang orange; area of concern ang yellow at green ang mga lugar na walang banta sa seguridad.