Nananatiling putol ang suplay ng kuryente sa maraming lugar sa Bicol, Visayas at Quezon.
Bunsod ito ng epekto ng malakas na hangin na dala ng bagyong Tisoy na patuloy sa pananalasa sa bahagi ng Bicol.
Sa abiso ng NGCP, walang kuryente sa malaking bahagi ng Camarines Sur, Albay at Sorsogon.
Kasama na rin dito ang bahagi ng Samar, Northern Samar, Eastern Samar, at Leyte sa Visayas gayundin ang ilang bahagi ng Quezon.
Kabilang sa mga naapektuhang linya ang Gumaca-Lopez 69kv line sa Quezon, Naga-Iriga 69kv line sa Camarines Sur, Daraga-Legazpi 69kv line sa Albay, Sorsogon-Bulan 69kv line sa Sorsogon.
Sa naunang abiso ng NGCP, posibleng ang pasilidad nila ang naapektuhan ng bagyo o kaya ay electric cooperatives na nagresulta sa pagkawala ng kuryente.
Tiniyak naman ng ahensiya na sa paghusay ng panahon ay agad na isasagawa ang inspeksyon at pagsasaayos ng mga linya para maibalik ang suplay ng kuryente.