Mga lugar sa NCR na nasa granular lockdown, bumaba na sa 186 – PNP

Bumaba na sa 186 mula sa 192 ang mga lugar sa National Capital Region na nasa ilalim ng granular lockdown.

Batay sa Philippine National Police (PNP), ang mga lugar na naka-lockdown ay mula sa 122 mga barangay sa Metro Manila kabilang ang 133 na kabahayan, 19 residential building, 15 kalsada, 14 na subdivision at isang settlement.

Paliwanag ng PNP, ang Local Government Unit (LGU) pa rin ang nagdedesisyon kung kailan aalisin ang granular lockdown sa isang lugar.


Naka-deploy naman sa mga lugar na naka-lockdown ang 687 na PNP personnel at 701 force multipliers para matiyak na nasusunod ang panuntunan kapag mayroong granular lockdown gaya ng hindi paglabas sa tahanan.

Una nang pinalawig ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pilot implementation ng Alert Level System na may granular lockdown sa NCR hanggang Oktubre 15.

Facebook Comments