Hiniling ni 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez na maisama na rin ang mga lumang motorsiklo sa ipinapatupad ng Land Transportation Office o LTO na tatlong taong bisa o validity ng rehistro ng lahat ng mga bagong motorsiklo sa bansa.
Ang nabanggit na mungkahi ay pormal na ipinabatid ni Gutierrez sa pamunuan ng LTO sa pamamagitan ng isang liham.
Ayon kay Gutierez, malaking tulong ito sa mga nagmamay-ari ng lumang motorsiklo dahil gagaan ang kanilang gastos sa pagpaparehistro at makakabawas pa sa abala.
Diin pa ni Gutierez, magiging income generating din ito sa panig ng LTO dahil mahihikayat ng magparehistro maging ang mga taga-probinsya na nagmamay-ari ng lumang motorsiklo.
Para kay Gutierez, pagkilala rin ito sa panig ng mga rider na tinaguriang “unsung heroes‟ noong panahon ng pandemya dahil inilagay nila sa peligro ang buhay nila para mag-serbisyo sa panahong lahat ng tao ay hindi makalabas ng bahay.